Koronang Bahaghari
Masining na ipinakita ni Jun Robles Lana sa pelikulang Die Beautiful ang mga pagsubok at suliraning karaniwang kinakaharap ng isang miyembro ng LGBT.
Sa konteksto ng Pilipinas, kung saan nananatiling sensitibong usapin ang kasarian, mababa pa rin ang pagtingin sa mga bakla at tomboy. Bunga ito ng namamayaning “hetero-patriyarkal,” o ang kaisipan na ang mga heterosexual na lalaki ang namamayani—“it’s a man’s world.”
Umikot ang kuwento sa pitong araw na burol ni Trisha kung saan bawat araw iba-iba ang bihis na ginagawa sa kanya ng kaniyang matalik na kaibigan na si Barbs bilang pagtupad sa kanyang huling habilin.
Ipinakita sa pelikula kung paano hinarap ni Trisha ang mga hamong kaakibat ng pagiging isang transwoman na masasalamin mula sa hindi pagtanggap ng kaniyang pamilya sa kaniyang pagkatao, pagsali sa mga beauty contests (beaucon), pagiging nanay sa kanyang anak na babae, hanggang sa kuwento ng kaniyang pag-ibig.
Byukonera ang kolokyal na tawag sa mga bakla na mahilig sumali sa mga beauty contests. Para sa kanila, ang mga beaucon ay hindi lamang isang porma ng paligsahan na nakapagbibigay-aliw, naipakikilala rin nila ang kani-kanilang mga talento na hindi maipamalas sa iba.
Sa mga beaucon malaya nilang naipahahayag ang kanilang sarili. Sa pelikula, makikita sa katauhan nina Trisha at Barbs kung paano nila binibigyang panahon at pagpapahalaga ang mga beaucon.
Hanggang sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang laban ng LGBT para sa pantay na karapatan. Ipinakita ng karakter ni Joel Torre kung papaano minamanipula ng patriarkiya ang pakikitungo sa kaniyang anak—binubugbog, pinagsasalitaan ng hindi magaganda at ikinakahiya ng tatay si Tricia.
Hanggang sa pagkamatay ni Trisha, hindi nito kinilala ang pagiging transgender at ipininipilit ang pagbabalik sa kung ano ang ibinigay ng Maykapal. Samantalang sunud-sunuran naman ang naging karakter ng kanyang ate na si Beth dahil wala siyang kapangyarihang magpasya para sa pamilya.
Bukod sa pasakit ng pamilya, mabigat din ang nararanasang kalupitan ng LGBT sa labas ng tahanan. Ipinakita kung paano pinagsamantalahan hindi lamang ang pisikal niyang katawan maging ang kaniyang buong pagkatao.
Pero sa kabila nito, nagawang magpakatatag ni Trisha at tumayo sa sarili niyang mga paa. Pinanindigan niya na kaya niyang mabuhay sa gitna ng kalupitan.
Naitaguyod niya ang anak nang maayos at bagaman paulit-ulit siyang nabibigo sa pag-ibig, hindi ito hadlang para muli siyang bumangon pagkat mataas ang kumpyansa niya sa kaniyang sarili.
May kurot sa puso ang pelikula ‘pagkat sinasalamin nito ang talisik at natural na pagiging mapagbiro sa buhay ng mga Pilipino. Inilapit ng pelikula sa madla ang mga bagay na hindi nalalaman ng mga tao tungkol sa buhay ng isang LGBT. Ngunit hindi matatapos ang lahat sa pelikulang ito. Dahil para sa mga miyembro ng LGBT, ngayon pa lang nagsisimula ang laban.